Tinatayang umaabot sa 60,000 mga turista ang dumagsa nitong nakaraang linggo sa isla na isinabay sa mahabang weekend bunga ng ASEAN summit at Labor Day na tinaguriang ‘Laboracay’.
Karamihan sa mga dumayo sa isla ay mga lokal na turista na sinamantala ang long weekend.
Dahil sa dami ng tao, at mga kasiyahan sa Laboracay, hindi naiwasan ang maraming mga basurang iniwan dito ng mga turista.
Partikular na naapektuhan ng matinding basura ang White Beach na pangunahing atraksyon sa isla.
Bukod sa mga bote ng alak at beer, napakaraming upos ng sigarilyo ang walang habas na itinapon ng mga turista sa puting buhangin.
Dati nang problema ang isyu ng polusyon at basura sa Boracay dahil sa dami ng mga turistang dumadayo taun-taon.