Nagbabala ang North Korea na handa itong maglunsad ng ‘nuclear test’ sa anumang oras at anumang lugar na nanaisin ng kanilang pinuno.
Dahil dito, lalong tumaas ang tensyon sa Korean peninsula na ilang linggo nang tinututukan ng iba’t ibang bansa hindi lamang sa ASya kung hindi sa iba pang panig ng mundo.
Ayon sa KCNA News Agency, na pinatatakbo ng gobyerno ng North Korea, patuloy ang paghahanda ng kanilang rehimen upang palakasin ang anila’y pre-emptive nuclear attack capabilities hangga’t hindi inihihinto ng Amerika ang kanilang mga agresibong polisiya.
Sa nakalipas na 11 taon, nakapaglunsad na ng limang nuclear test ang NoKor.
Maraming eksperto rin ang naniniwalang malapit nang makabuo ang naturang bansa ng ballistic missile na may kakayahang magkarga ng nuclear payload sa Amerika at mga bansang kaalyado nito.
Gayunman, sumablay ang pinakahuling missile test nito noong nakaraang Sabado.