Pinaiimbestigahan na ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Eduardo Año ang isyu tungkol sa isang open letter sa social media na bumabatikos sa mga komento ng mga sundalong aktibo at hindi aktibo sa isang post.
Sa pahayag na inilabas ng AFP sa pamamagitan ng kanilang Facebook page, nakasaad na iniutos na ni Año sa Provost Marshall General ang mahigpit na imbestigasyon tungkol sa isyu.
Lumabas kasi ang isang open letter sa social media na nananawagan ng pagpuna sa mga insensitibong komentong ipinaskil ng mga umano’y aktibo at hindi aktibong miyembro ng militar.
Partikular itong may kinalaman sa isang fake news na ibinahagi ng isang dati umanong sundalo, at kumalat sa social media.
Nakasaad sa nasabing fake news, na sinasabi ni Maria Ressa ng news site na Rappler na 90 na katao kada minuto ang nais gumahasa sa kaniya.
Isang netizen ang naglakas-loob na bumatikos sa mga komentong ipinaskil doon ng mga aktibo at hindi aktibong miyembro ng militar na hindi na kaaya-ayang basahin.
Sa nasabing open letter, ikinalungkot ng isang netizen ang umano’y hindi magandang asal na ipinakita ng mga sundalo sa comments section, lalo’t sa pagkakaalam niya ay mahigpit ang pagtuturo ng proper conduct sa mga ito.
Dahil dito, dismayado rin si Año sa mga kumakalat na ulat sa social media, at sinabing hindi nila kinukunsinte ang hindi magandang pag-uugali, dahil hindi naman itinuro sa Philippine Military Academy.
Humingi naman ang AFP ng paumanhin kay Ressa para sa sama ng loob at kahihiyang idinulot ng mga hindi magagandang komentong ibinato sa kaniya.