Anak ni Bato na si Rock, pumasok sa PNPA

 

Nagsimula na ng pagsabak sa pagsasanay o training para maging pulis ang anak ni Chief PNP Ronald Bato dela Rosa na si Rock.

Kahapon, sumailalim si Rock sa tradisyunal na pagkalbo sa mga bagong pasok na kadete sa PNPA sa Camp Castañeda, Silang, Cavite.

Sa kaniyang social media account noong isang linggo, nagtungo sa PNPA si Rock at nagpakuha ng larawan kasama ang ilang mga kadeteng makakasabayan nito sa training.

Sa kaniyang FB post ay pansamantala rin na nagpaalam si Rock sa kaniyang pamilya, mga kaibigan at ka-FBdahil apat na taon niyang hindi makakausap at makakahuntahan dahil ipinagbabawal ang cellphone at iba pang gadgets habang nasa ilalim ng training period.

Samantala, bagaman suportado ang anak sa pangarap nitong maging isang pulis, nauna nang sinabi ni Chief PNP Bato na may pangamba ito na baka hindi kayanin ng anak ang matinding training.

Pero sinagot din ito ng anak sa kaniyang FB account at sinabing huwag mag-alala dahil gagawin niya ang lahat para malagpasan nang may pagmamalaki ang haharapin nitong bagong yugto ng kaniyang buhay.

Hindi naman nasamahan ni Dela Rosa si Rock sa kanyang unang araw ng pagsasanay at sinamahan lamang siya ng isa sa security aide ni Dela Rosa sa Camp Castañeda.

Read more...