Hindi bababa sa dalawampu’t walong libo katao ang inaasahang magsasagawa ng kilos protesta ngayong Labor Day sa Bicol.
Ayon kay Vince Casilihan, tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa Bicol, sampung libo katao ang inaasahang magkikilos protesta sa Masbate, limang libo sa Camarines Sur, isanlibo sa Camarines Norte, tig-limang libo sa Albay at Sorsogon at walongdaan sa Catanduanes.
Magsisimula aniya ang protest march simula alas otso ng umaga hanggang alas nueve ng umaga, at ang mga programa naman ay magsisimula bandang 10:30 ng umaga na tatagal hanggang alas tres ng hapon.
Kabilang sa mga magsasagawa ng kilos protesta ay grupo ng mga magsasaka, estudyante, out of school youth, public transport drivers at operators, mga grupo, miyembro ng Kadamay, mga abogado at grupo ng kababaihan.
Sa gagawing pagkilos, mananawagan ang mga grupo ng dagdag sahod, at pagwakas sa kontraktuwalisasyon.
Sa pahayag ng Bayan-Bicol, sinabi nila na nabigo si Pangulong Rodrigo Duterte na tuparin ang kanyang pangako na wawakasan na ang kontraktuwalisasyon.
Sinabi din ni Casilihan na bukod sa labor issues, mananawagan din ang mga grupo na itigil na ang mga pagpatay na may kinalaman sa iligal na droga.