Malakas ang kumpiyansa ng Armed Forces of the Philippines na makakayanan nilang talunin ang Abu Sayyaf Group bago pa man ang itinakdang deadline para sa kanila.
Ayon kay AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla, mas nalalapit na sila ngayon sa kanilang layunin na tapusin ang bandidong grupo base na rin sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay dahil sa pagkakapatay sa isa sa mga sub-leaders ng ASG na si Alhabsy Misaya na isang bomb expert at kabilang sa mga nasa likod sa pagdukot at pagpatay sa kanilang mga bihag.
Ilang araw bago mapatay si Misaya ay nasawi rin sa engkwentro ang isa pang sub-leader na si Muammar Askali alyas Abu Rami.
Naniniwala naman si AFP chief of staff Gen. Eduardo Año na mapipilayan nang husto ang Abu Sayyaf sa pagkamatay nina Misaya at Abu Rami na pawang mga matitinding terorista.
Mababawasan na aniya ang kakayanan ng mga ito sa pagdukot at recruitment na kalaunan ay ikababagsak na rin ng teroristang grupo.