Pag-ako ng ISIS sa Quiapo blast, hindi totoo – DND

Delfin LorenzanaIginiit ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na hindi totoo ang lumabas na pahayag ng pag-ako ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa pagsabog sa Quiapo, Maynila noong Biyernes.

Ayon kay Lorenzana, akuin na ito ng ISIS kung gusto nila, pero wala silang nakitang bahid na ito ay “handiwork” ng grupo.

Base din aniya sa kanilang intel report at pahayag ng Quiapo police, ginawa ang pagpapasabog bilang paghihiganti.

Isa aniyang teenager ang ginulpi ng tatlong magkakapatid, na inireklamo ng kaniyang magulang sa pulis.

Gayunman, nang ipatawag ng pulis ang tatlo, hindi umano sumipot ang mga ito.

Matatandaang sa pamamagitan ng Amaq News Agency, sinabi ng ISIS na mga tauhan nila ang nasa likod ng nasabing pagpapasabog ng improvised explosive device (IED) sa Quiapo, Maynila.

Una na ring pinabulaanan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde ang pag-ako ng ISIS sa pag-atake.

Aniya pa, stratehiya lang talaga ng grupo na akuin ang mga insidente ng karahasan sa iba’t ibang lugar upang makilala ang kanilang pangalan.

Read more...