Kamakailan lang ay dumarami ang pagkabasura sa mga high-profile cases sa anti-graft court dahil sa “inordinate delays” sa kasagsagan ng imbestigasyon.
Kinumpirma ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na nahaharap ngayon sa proceedings sa Internal Affairs Board (IAB) si Office of the Special Prosecutor (OSP) records officer Alma Cagat-Cagat.
Ayon sa namumuno ng IAB na si Deputy Ombudsman for Luzon Gerard Mosquera, kabilang sa mga posibleng maging parusa kay Cagat-Cagat ay ang pagkakasibak sa serbisyo.
Ito ay kung mapapatunayan na may pananagutan si Cagat-Cagat sa pagkakaantala ng mga kaso.
Posible aniyang maharap sa mga kasong gross neglect of duty, at gross misconduct si Cagat-Cagat.
Nag-ugat ang imbestigasyon kay Cagat-Cagat, matapos maisampa ang kasong graft at usurpation of authority laban kina dismissed Philippine National Police director general Alan Purisima at dating Special Action Forces director Getulio Napeñas nito lamang Enero 24, bisperas ng ikalawang anibersaryo ng Mamasapano incident.