Hindi katanggap-tanggap na dahilan ang “honest mistake” sa detalyeng isinulat ni Senator Grace Poe sa kaniyang Certificate of Candidacy (COC) noong 2013 elections kaugnay sa tagal na ng kaniyang pagiging residente ng Pilipinas.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni UNA Interim President Toby Tiangco na ang COC ay isang sworn statement kaya hindi pwedeng basta-basta na lamang sasabihin na nagkamali ang isang indibidwal sa mga isinulat niya dito.”Wala pong honest mistake kapag sinumpaang salaysay, that is a sworn statement, humaharap ka sa notary public,” ani Tiangco.
Paliwanag pa Tiangco, hindi niya naman sinadyang kalkalin ang usapin kaugnay sa residency ni Poe. Aniya, bilang dating campaign manager ng UNA Senatorial Slate, mayroon siyang kopya ng COCs ng lahat ng mga kandidato noon sa pagka-Senador.
Bilang pinuno ngayon ng binuong search committee, naisipan niyang balikan ang COC ng mga kandidato bilang bahagi ng proseso sa paghahanap ng magiging running mate ni Vice President Jejomar Binay.
Doon na nakita ni Tiangco na 6 years and 3 months ang idineklara ni Poe na tagal nang pagiging residence niya ng Pilipinas noong panahong inihain niya ang kaniyang CoC.
Hindi rin aniya dapat ikumpara sa kaso noon ni dating Unang Ginang Imelda Marcos ang isyung kinakaharap ngayon ni Poe dahil hindi naman naging American Citizen si Marcos hindi gaya ni Poe naging Citizen sa Amerika. “Yung kay Imelda Marcos different case ‘yon. She (Marcos) never acquired American Citizenship,” sinabi ni Tiangco./Dona Dominguez-Cargullo