Ito ang diretsahang tugon ni Escudero sa panayam sa Radyo Inquirer nang tanungin tungkol sa kanyang plano sa 2016 elections.
Bagaman nilinaw ni Escudero na wala pa siyang pinal na desisyon na sasabak sa mas mataas na pwesto sa 2016 elections, sinabi ng senador na hindi siya tatakbong president ngunit kung sakaling matutuloy, bilang ikalawang pangulo ang kaniyang tatakbuhang posisyon at hindi pagka-pangulo.
“Wala akong planong tumakbo sa pagka-Pangulo, hindi ko panahon ito. Kung saka-sakaling magkokonsidera akong tumakbo ng mas mataas na pwesto siguro Bise Presidente,” sinabi ni Escudero
Sinabi din ni Escudero na hindi pa naman pinal ang desisyon niyang tumakbo sa mas mataas na posisyon dahil kailangan aniyang pag-isipan pa ito ng matagal.
Ayon sa Senador, siya at si Senator Grace Poe ay parehong walang partido na mahalagang makinarya sa eleksyon. “Pinag-iisipan iyan ng matagal hindi naman ganoon kadali. Mas marami kasing wala ang sa amin ni Grace Poe kumpara sa kanila, wala kaming makinarya dahil wala kaming partido,” ayon pa kay Escudero.
Kasabay nito, ipinagtanggol ni Escudero si Poe sa mga batikos na ibinabato dito kaugnay sa residency issue.
Ayon kay Escudero, hindi naman ang detalyeng isinulat sa Certificate of Candidacy (COC) ang pagbabatayan ng tagal ng pananatili sa bansa ng isang kandidato. Aniya, ang “fact of residency” pa rin ang mangingibabaw kaysa sa nakadeklara sa COC at may pasya na tungkol sa katulad na usapin ang Korte Suprema ani Escudero.
Nagtataka rin si Escudero sa United Nationalist Alliance (UNA) kung bakit binabanatan na nito ngayon si Poe. BinanggIt ni Escudero, na ikinokonsidera noon ni Vice President Jejomar Binay si Poe bilang running mate kaya nakapagtatakang gusto ngayon ng UNA na siya ay ma-disqualify.
“Nagtataka ako kung ano ang pinaghuhugutan ni Cong. Toby (Tiangco). Last month gusto nilang kuning VP si Grace, ngayon biglang disqualified daw dapat si Grace,” ayon kay Escudero.
Sinabi rin ni Escudero sa Radyo Inquirer na matagal na silang hindi nagkakausap ni Vice President Binay. Ang huli anilang pag-uusap ay noong taong 2013 pa./Dona Dominguez-Cargullo.