Napapanahon lang pero kulang pa ang pagsibak sa pwesto kina Station Cmdr. Supt Robert Domingo at 13 tauhan ng Anti-illegal drugs unit nito. Dapat buong presinto ang tinanggal dahil alam ng lahat ng mga pulis sa ibang unit ang naturang “secret cell”, pero hinayaan lamang.
Sabi nga ni Sen. Panfilo Lacson , masahol pa sa Kidnap for ransom at sindikato ang mga pulis na ito na higit isang linggong hino-hostage at kinokotongan ang mga arestado.
Isipin niyo, 159 ang lahat ng police community precincts dito sa Metro Manila at 38 naman ang police stations. Kung bawat isa rito ay merong ‘secret cell’ , ‘hidden cell’, o kaya’y ‘holding area’ kung saan nagkakaipitan at aregluhan , aba’y windang talaga ang bayan.
Sa totoo lang, matagal nang nangyayari ito. Mas garapal noong nakaraang mga administrasyon dahil corrupt ang nasa itaas ng PNP, corrupt ding lalo sa ilalim. Kaya lang, hindi katanggap-tanggap na nagpapatuloy ito ngayong sa pagbabagong hatid ni Pres. Duterte sa Malakanyang at Bato sa PNP.
Mr President at PNP Chief, ito pong mga “magsasakang pulis”, ang totoong dahilan kung bakit malayong-malayo ang loob ng bayan sa mga pulis. Alam nila ang nangyayaring kwartahan sa kanilang mga PCP at police station. Akala ko ba wala nang “ninja cops”?
Extortion sa mga inosenteng tinataniman ng ebidensya lalo na sa mga small time pusher. Kung minsan nga pati sex sa asawa ng preso pinapatulan. Isipin niyo, isang linggo nang inaresto, wala pa rin sa blotter . Akala ko ba may CCTV na ang lahat ng mga police station sa NCR? Isa pa, talagang hindi makatao ang masikip na ‘hidden cell’ na ayon sa station commander ay “temporary holding area” kuno. Pwe! Ito namang si PNP Chief Bato, wala raw kasalanan ang mga pulis niya. What is happening to you Mr. General?
Ayon sa batas, 12 oras ang taning para sampahan ka ng pulis kung kaso mo’y ‘light penalty’, 18 oras kapag kasalanan ay may correctional penalties at 36 hours naman kung capital offence tulad ng droga atbp.
Kung lalabag ang pulis pwede siyang idemanda ng arbitrary detention sa Ombudsman at kasong administratibo naman sa PNP.
Sa kaso nitong ‘secret cell’ ng 12 lalake at babae, dapat idemanda sa OMBUDSMAN ng arbitrary detention ang lahat ng opisyal at pulis sa MPD Station1. Sampahan din sila ng demanda ng PNP Internal Affairs nang di pamarisan sa iba pang PCP at Police stations sa buong bansa.
At kung maari, itong mga mayor at maging kongresista ay magising at kumilos. Isa-ordenansa o isabatas na lahat ng pagdakip ng pulisya sa bawat baranggay sa buong bansa ay kailanang ipaalam agad sa mga lokal na opisyal para mai-record lamang ang aktwal na oras o lugar ng pag- aresto.
Maging pulis, NBI, Immigration o kaya’y AFP ang umaaresto. Sa ganitong paraan, nasusunod ang Saligang Batas na igalang ang karapatang pantao kahit sila’y akusado ng krimen.
Kung inuubos natin ang drug pushers sa bawat baranggay, dapat ding kalusin ang mga ‘extortionist’ at tiwaling pulis sa bawat presinto para tunay na tumahimik ang bayan!