Isang uri ng gang war ang nakikitang anggulo ng mga pulis kaugnay sa naganap na pagsabog sa Quiapo, Maynila kagabi.
Sinabi ni National Capital Regional Police Officer (NCRPO) Dir. Oscar Albayalde na isang uri lamang ng pipe bomb ang ginamit sa pagpapasabog na nagresulta sa pagkasugat ng 11 katao.
Gayunman, sinabi ni Albayalde na hindi pa rin sila titigil hanggang hindi nahuhuli ang mga nasa likod ng naganap na pagpapasabog.
Sa isang peryahan naganap ang pagsabog kaya marami ang mga tinamaan ng shrapnel ng nasabing uri ng pampasabog ayon pa sa pinuno ng NCRPO.
Bukod sa intelligence team ng PNP ay tumutulong na rin sa pagkilala sa mga suspek pati ang mga Barangay officials sa Quiapo para tumulong sa imbestigasyon.
Magugunitang nasa heightened alert ang buong pwersa ng PNP at militar sa buong bansa kaugnay sa ginaganap na ASEAN Summit.
At para hindi na maulit ang kahalintulad na insidente ay nagdagdag pa ng mga tauhan ang PNP na siyang mag-iikot sa mga matataong lugar partikular na sa Metro Manila.