Bilang ng mga sugatan sa Quiapo blast umakyat na sa 13

Quiapo blast
Inquirer file photo

Umakyat na sa 13 ang mga nasugatan sa nangyaring pagsabog sa Quiapo, Maynila kagabi.

Sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde na dalawa pa ang kritikal at nanatili sa ospital.

Ang 11 naman na nasaktan ay nakalabas na ng ospital. Isa sa mga biktima ay naputulan ng binti habang ang isa ay matindi ang naging tama sa pwitan.

Pasado alas-10:00 kagabi nang mangyari ang pagsabog sa isang pasugalan sa Brgy. 391 Quezon Blvd. malapit lamang sa kanto ng Soler.

Inilabas naman ng NCRPO ang pangalan ng ilan sa mga nasugatan na sina: Rolando Manggubat at Ramon Carlos na kapwa dinala sa Philippine General Hospital.

Nasa Mary Chiles Hospital naman si Pepito Enriquez at sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang isang Wilfredo Tumagan.

Isa sa itinuturong motibo sa pagpapasabog ay paghihiganti sa isang grupo ng mga nagsusugal sa isang peryahan doon.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon sa pangyayari.

Read more...