Hiningi ng Office of the Ombudsman kay Budget Secretary Benjamin Diokno ang mga dokumento na may kaugnayan sa Disbursement Acceleration Program (DAP) ng Administrasyong Aquino.
Ito ay matapos ipahayag ni Diokno na maaaring ibigay ng kanyang kampo sa mga imbestigador ang mga hawak niyang dokumento kaugnay rito.
Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio Morales, nauna nang may nakalap na dokumento mula sa Department of Budget and Management ang mga imbestigador.
Sinabi ni Morales na kapag may naipresentang matibay na ebidensya ang Field Investigation Office ay maaari muling bisitahin ng kanyang opisina ang mga kaso laban kay dating Pangulong Benigno Aquino III.
Noong Marso, ibinasura ng Ombudsman ang mga kasong administratibo at kriminal laban kay Aquino at dating Budget Undersecretary Mario Relampagos.
Naghain naman ng motion for reconsideration ang National Union of People’s Lawyers para sa naturang desisyon ng Ombudsman.
Iginiit ng mga ito na responsable rin si Aquino sa DAP.
Pinagkomento naman ng Ombudsman ang dating pangulo kaugnay nito.
Nakitaan naman ni Morales ng probable cause o sapat na dahilan para kasuhan si dating Budget Secretary Florencio Abad ng kasong usurpation of legislative powers.