Nakatakdang magpatuloy ngayong araw ng Linggo ang usapan sa pagitan ng mga opisyal ng North at South Korea sa pag-asang mahihinto ang tumitinding tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Dakong alas-tres ngayong hapon, maghaharap ang mga kinatawan ng dalawang bansa sa Panmunjom truce village sa loob ng demilitarized zone.
Magdamag na nag-usap ang magkabilang panig nitong nakaraang Sabado upang mapigilan ang muling pagsiklab ng gulo.
Dahil sa biglaang pagtaas ng tensyon, naka-high alert ang mga sundalo ng dalawang bansa.
Tumaas muli ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa makaraang masabugan ng landmine ang dalawang sundalo ng South Korea sa border nitong unang bahagi ng Agosto.
Bilang ganti, sinimulan ng South Korea ang pag-sasahimpapawid ng mga propaganda katulad ng mga balita at mga TV show mula sa South Korea sa gilid ng border ng North Korea gamit ang mga loud speaker.
Lalong uminit ang iringan ng dalawang bansa nang magpaputok na ng mga artillery rounds nitong Huwebes ang North Korea patungo sa direksyon ng South Korea na ginantihan naman ng Sokor.
Dahil dito, nagdeklara ng “quasi-state of war” ang North Korea at pinaghanda ang kanilang puwersa sa front-line kasabay ng paggiit na ihinto ng South Korea ang mga propaganda broadcasts.
Gayunman, ayon sa South Korea, wala itong plano na itigil ang kanilang ginagawang pagsasahimpapawid ng mga propaganda na ikinaiirita ng kapitbahay nitong North Korea./ Jay Dones