10 patay sa bagyong Ineng; 5 flights kanselado

Mula sa pagasa.dost.gov.ph

Sampu na ang naitalang patay habang sampu rin ang bilang ng mga nasugatan sanhi ng bagyong Ineng na rumagasa sa Northern Luzon.

Tatlong indibidwal naman ang nawawala sa pananalasa ng naturang bagyo.

Sa press briefing ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, sinabi ni Executive Director Alexander Pama, na may ilang mga lugar pa rin sa Luzon ang nananatili bilang critical areas hanggang sa kasalukuyan dahil sa matinding pagbaha at pagguho ng lupa.

Kabilang sa mga nakaranas ng landslide ay ang bahagi ng Kennon road sa Baguio city at ilang lugar sa Ilocos Sur na nakaranas ng pagbaha.

Samantala, hindi bababa sa limang domestic flights ang kanselado ngayong araw ng Linggo dahil sa bagyong Ineng.

Ayon sa Manila International Airport Authority o MIAA, kabilang sa biyaheng kinansela ay ang PAL Express flights 2p 2084 (Manila-Basco) at 2p 2085 (Basco-Manila).

Kanselado rin ang dalawang Cebu Pacific flights: 5j 513 (Manila-San Jose) at 5j 514 (San Jose-Manila), maging ang Airasia Zest flight z2 895 (Manila-Caticlan).

Nauna nang sinabi ng PAGASA na patuloy na makararanas ng malakas na pag-ulan at hangin sa Batanes group of islands dahil sa bagyong Ineng, habang katamtaman hanggang malakas na ulan sa Calayan at Babuyan group of islands.- Ricky Brozas/Isa Avendaño-Umali

 

 

Read more...