Muling nakatanggap ng pambabatikos si Pangulong Rodrigo Duterte sa isang editorial na inilathala sa New York Times.
Sa editorial ng NY Times na pinamagatang “Let the World Condemn Duterte, inilarawan ang pangulo na “a man who must be stopped”.
Hinikayat din ng publication ang International Criminal Court na agad magsagawa ng preliminary investigation batay sa inihaing reklamo ng abogado na si Jude Sabio.
Kamakailan ay personal na inihain ni Sabio sa ICC ang reklamo laban kay Duterte at labing isang iba pang opisyal kaugnay sa mga kasong ‘crime against humanity’ at ‘mass murder’ na may kinalaman sa umano’y extra judicial killings na nagaganap sa bansa.
Nakasaad din sa editorial na maaaring magdalawang isip ang ICC na imbestigahan si Duterte, na ibinoto bilang pangulo ng Pilipinas ng 16 million na mga Filipino, dahil siya ay sikat.
Binuo aniya ang ICC para usigin ang mga kasong genocide, crimes against humanity at war crimes sakaling tumanggi ang member country nito na mag-imbestiga.
Sinabi din sa editorial na may sapat nang ebidensya para magsagawa ang ICC ng preliminary investigation kay Duterte.
Bukod sa nilalaman ng complaint ni Sabio, kung saan aabot na umano sa 9,400 ang napapatay sa pagpapatuloy ng war on drugs ng pamahalaan at sa umano’y operasyon ng Davao Death Squad, nakasaad din sa New York Times editorial ang findings ng Human Rights Watch, Amnesty International, at mga pahayag ng confessed DDS members na sina Edgar Matobato at Arturo Lascañas.
Kung hindi pa aniya magiging sapat ang mga naturang findings at pahayag nina Matobato at Lascañas, ipinaalala ng naturang editorial sa ICC ang naging statement ni Duterte noon, na kung si Hitler ay pumatay ng tatlong milyong hudyo, kaya niya rin pumatay ng tatlong milyong drug addicts.
Una nang inihayag ng Malacañang na sakaling i-entertain ng ICC ang naturang reklamo na batay sa pahayag ng mga confessed killer, lubha nila itong ikadidismaya.