Pinag-iingat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang publiko sa pag-aarkila ng van dahil ang karamihan umano sa mga ito ay mga kolorom o walang prangkisa.
Paliwanag ng LTFRB, kapag nasangkot sa aksidente ang mga naturang van, ay hindi mababayaran ng insurance dahil ang mga ito ay hindi rehistrado.
Ginawa ng LTFRB ang babala makaraang ma-impound ang ilang sa mga van sa Baguio City, na nahuli habang namamasada sakay ang mga teachers na dadalo sa isang seminar ng Department of Education.
Dahil dito, pinapayuhan ng LTFRB ang mga may-ari ng van na kumuha ng prangkisa upang maging legal ang kanilang pamamasada at para magkaroon ng katiyakan sa insurance ang kanilang mga pasahero.
Kasabay nito ay inihayag ng ahensya na susunod sa kanilang tatargetin ay ang social media kung saan naglalagay ng advertisement ang mga naturang kolorom na van upang manghikayat ng pasahero.