Napapanahon na para isabatas ang Community-informant Incentives Act.
Ito ang sinabi sa Radyo Inquirer ni Anti-Crime and Terrorist- Community Involvement and Support Inc. o ACT-CIS PL Representative Samuel Pagdilao Jr., para sa mabilis na pagtugis ng mga otoridad sa mga high- profile criminals sa bansa.
Ani Pagdilao, dahil sa kawalan ng batas tungkol sa ‘reward system’ ay atubili ang mga impormante na makipagtulungan sa mga pulis o kinauukulan para sa mabilis na ikadarakip ng mga kriminal o wanted persons.
Bagamat may sistema na aniyang ipinatutupad ang Department of the Interior and Local Government hinggil sa pagbibigay pabuya sa mga impormante ay hindi pa rin ito nakasasapat para mapalawak ang kampanya tungkol sa reward system.
Sa ilalim ng panukalang batas, nais ni Pagdilao na mabigyan incentive ang sinumang sibilyan na makapagbibigay ng impormasyon na hahantong sa paglutas ng isang kaso.
Bukod sa pera, maari ring bigyan ng iba pang benepisyo ang mga magsisilbing impormante na tutulong sa resolusyon ng isang kaso./ Ricky Brozas