AFP, tiniyak na walang pinoprotektahang Abu Sayyaf member ang mga sundalo

Photo by: Ruel Perez
Photo by: Ruel Perez

Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines na walang sundalo ang may kaugnayan o pumoprotekta sa Abu Sayyaf Group.

Ito ay sa kabila ng mga pangamba na posibleng napasok na ng mga miyembro ng bandidong grupo ang AFP.

Katulad na lamang ng nangyari sa Philippine National Police kung saan naaresto ang pulis na si Supt. Maria Christina Nobleza na napaulat na “romantically involve” sa isang Abu Sayyaf na may kakayahang gumawa ng mga pampasabog.

Ayon kay AFP chief Gen. Eduardo Año, nagsasagawa sila ng system check sa lahat ng kanilang mga opisyal para mabatid kung kakayanin nila mailagay sa sensitibong posisyon.

Tinitiyak aniya ng naturang sistema na ang mga nasa “rank and file” ay malinis.

Binanggit din ni Año na walang masama sa pagiging balik-Islam ni Nobleza dahil lahat ng Filipino ay may ‘freedom of religion’.

Ang mali lang aniya ay kung magpapagamit sila sa mga terorista o iba pang kalaban ng estado.

Sinabi naman ni AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na patuloy silang nagsasagawa ng counterintelligence para mabatid kung may mga sundalo na sumusuporta o pumoprotekta sa anumang threat group.

Makikipagtulungan din aniya sila sa PNP sa pag-iimbestiga kay Nobleza.

Read more...