US at France, labis ang pasasalamat sa mga bayani sa naunsyaming ‘train attack’

inquirer.net file photo/AP

Itinuturing na mga bayani ngayon ang lima katao kabilang ang tatlong magkakaibigang Amerikano makaraang tagumpay na mapigilan ang isa sanang massacre sa loob ng isang high-speed train sa Europa.

Mismong sina US President Barack Obama at Francois Hollande ng France ang personal na tumawag at nagpasalamat sa mga magkakaibigang sina Alek Skarlatos, Spencer Stone, Anthony Sadler dahil sa tagumpay na pagpigil sa isang Moroccan Islamist na maghasik ng lagim sa kanilang sinasakyang tren noong Biyernes.

Personal na tinawagan ni Obama ang tatlo at pinasalamatan dahil sa mabilis nilang kilos na pumigil sa plano ng suspek na si Ayoub El Khazzani na magpaulan ng bala gamit ang kanyang AK-47 sa loob ng tren na bumibiyahe mula sa France patungong Amsterdam.

Saludo naman maging si French President Francois Hollande sa tatlo at sa dalawa pang sibilyan na isang French at Briton at plano pang imbitahin ang mga ito sa isang pagpupulong kasama ang mga matataas na opisyal ng gobyerno.

Gamit ang isang AK-47 at box cutter, magpapaulan sana ng bala sa loob ng tren ang Islamist suspect ngunit dahil sa maagap na pagresponde ng lima, ay nabigo ito.

Magsisimula na sanang mamaril ng suspek na si Khazzani sa loob ng umaandar na tren na biyaheng Amsterdam patungong Paris ngunit agad siyang sinunggaban ng lima.

Ilan sa mga kalalakihan ang nasugatan makaraang manghalihaw ang suspek ng bitbit niyang box cutter.

Nang maaresto, nakuha sa pag-iingat ng suspek ang isang Kalashnikov AK-47 Assault rifle, siyam na magazine clip na puno ng bala, isang Luger automatic pistol at isang box cutter./ Jay Dones

Read more...