Nagsasagawa na ng counter intelligence measures ang Armed Forces of the Philippines kung mayroong miyembro ng militar ang nakikipag-sabwatan sa bandidong grupong Abu Sayyaf o iba pang grupo na kalaban ng estado.
Ito ay matapos maaresto ng mga otoridad si Davao PNP Crime Laboratory Deputy Director Supt. Maria Christina Nobleza kasama ang isang miyembro ng abu Sayyaf sa Clarin, Bohol.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni AFP Spokesman BGen. Restituto Padilla na noon pa man ay isinasagawa nila ang pagbusisi sa kanilang hanay para masiguro na hindi sila nahahaluan ng mga kalaban ng pamahalaan.
Sa ngayon wala pa aniya silang nakikitang anumang partisipasyon mula sa sinuman sa kanilang hanay na maihahalintulad sa kaso ni Supt. Nobleza.