Duterte sa mga kabataang atleta: ‘Mahalin ang bayan’

 

Tonee Despojo/CDN

Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kabataan na paigtingin ang pagmamahal sa bayan at maging disiplinado upang maging mga responsableng mamamayan.

Inihayag ito ni Duterte sa kanyang pangunguna sa pagbubukas ng Palarong Pambansa 2017 sa San Jose de Buenavista sa Antique.

Ayon pa sa presidente, malaki ang kanyang investment sa mga kabataan dahil sila ang magiging tatay at nanay sa hinaharap.

Inanunsyo rin nito na ibabalik ang ROTC sa layong madepensahan ng mga kabataan ang bansa.

Kanyang ipinunto na ang ibang mga bansa ay may military training programs.

Samantala, muling nagbabala si Duterte sa mga sangkot sa ilegal na droga.

Aniya, huwag umanong sirain ang mga kabataan at ang bayan dahil kung hindi, patuloy na may mamamatay.

Inungkat din ng pangulo sa harap ng mga atletang kabataan ang kanyang kampanya laban sa kurapsyon.

Deklarasyon ni Duterte, ititigil niya ang graft and corruption.

Sa bandang huli, malugod na binati ng pangulo ang Department of Foreign Affairs, mga lokal na pamahalaan at organizers ng Palarong Pambansa.

Nagbiro pa siya na magkakaloob ng limampung libong piso sa bawat miyembro ng Davao region team na magkakaroon ng medalya.

 

Read more...