Acting Mayor Kid Peña, nabahala sa mga paunang resulta ng audit tungkol sa “ghost” senior citizens sa Makati

Inquirer file photo
Inquirer file photo

Nakababahala at nagpapahiwatig ng malaking anomalya ang mga paunang resulta ng cityqide audit na isinasagawa ngayon sa Makati ayon sa Acting Mayor ng lungsod na si Romulo “Kid” Peña Jr.

Ang nasabing audit ay kaugnay sa isyu ng ‘ghost’ senior citizens na nakatatanggap ng mga benepisyo mula sa BLU card program para sa mga senior citizens ng Makati City.

Ipagpapatuloy pa rin ni Peña sa mga tauhan ng Makati Action Center ang mabusising pag-audit sa mga natitirang barangay sa lungsod.

Kasunod ito ng report na isinumite ni Makati Action Center head Arthur Cruto sa Senate blue ribbon committee tungkol sa mga anomalya sa Makati noong si Vice President Jejomar Binay pa ang tumatayong alkalde ng lungsod.

Inilahad niya ang kwestyonableng bilang ng mga senior citizens na benepisyaryo ng BLU card project, dahil ayon sa kanilang audit, 31,280 sa mga nakalista para sa benepisyo ay hindi rehistradong botante, o kaya’y wala sa mga address na nakatala sa records.

Napagsamantalahan aniya ang mga lehitimong senior citizens ng lungsod dahil sa nasabing proyekto, kung saan nawawalan ng 370-milyong piso kada taon ang nawala sa lokal na pamahalaan dahil sa nasabing anomalya, na pumapatak sa higit 1-milyon kada araw.

Siniguro naman ni Peña ang mga residente ng Makati na hindi hahayaan ng lokal na pamahalaan na makalusot ang mga ganitong uri ng pangungurakot.

Samantala, dumepensa naman ang pinuno ng Makati Social Welfare Department (MSWD) na si Ryan Barcelo na mali o kwestyonable ang pamamaraan ng ginawang audit ng mga tauhan ni Cruto.

Ani Barcelo, basta-basta lamang nagbabahay-bahay ang mga tauhan ni Cruto, tatanungin kung naroon ba ang senior citizen na nakalagay sa kanilang record, at kung wala ito doon ay lalagyan na mamarkahan na lamang basta ng “X” ang pangalan.

Ni hindi man lamang aniya nagbigay si Cruto ng documentary evidence para suportahan ang kaniyang sinasabi niya na 45% sa mga benepisyaryo ng BLU card ay “ghost” senior citizens o mga benepisyaryong patay na o hindi na naninirahan sa Makati.

Dagdag pa niya, para maisailalim sa nasabing programa ang isang senior citizen, kailangan nitong personal na pumunta sa opisina para mag-apply, at kailangan naman ng validation procedure bago maalis ang pangalan nila sa listahan sa pamamagitan ng pagpa-pasa ng death certificate at verification mula sa MSWD na namatay na nga talaga ang benepisyaryo./Kathleen Betina Aenlle

Read more...