Humina ang Bagyong Ineng sa bilis na 150 kilometro kada oras at pagbugsong umaabot ng 185 kilometro kada oras habang tintahak nito ang direksyong hilaga hilagang-silangan ayon sa pinakahuling tala ng PAGASA.
Huling namataan ang Bagyong Ineng sa 105km silangang hilagang-silangan ng Basco, Batanes.
Inaasahang magdudulot pa rin ito ng katamtaman hanggang malakas na ulan sa mga lugar na sakop ng 500 kilometrong diameter nito.
Ayon sa PAGASA, lalabas na ng Philippine Area of Responsibility ang Bagyong Ineng sa Lunes ng hapon.
Nakataas pa rin ang public storm warning signal number 3 sa Batanes Group of Islands, signal number 2 sa Northern Cagayan kasama ang Calayan at Babuyan Group of Islands, at signal number 1 naman sa ilang bahagi ng Cagayan, Ilocos Norte, Kalinga at Abra.
Mas mapapalakas ng bagyong Ineng ang habagat na magdadala ng mosoon rains sa Metro Manila at ilang bahagi ng Luzon.
Samantala binalaan naman ang mga mangingisda na huwag maglayag sa mga baybayin ng Metro Manila, Isabela, Ilocos Sur, Pangasinan at La Union, pati na rin sa mga baybayin sa Central at Southern Luzon.
Pinaalalahanan rin ang mga residente sa mababang lugar at sa tabi ng mga kabundukan sa mga probinsya na may public storm warning na maging alerto sa posibleng flasflood at landslides./Jong Manlapaz, Kathleen Betina Aenlle