Duterte handang ‘kubkubin’ ang Sulu matigil lang ang pamamayagpag ng Abu Sayyaf

 

Kung kinakailangan, handang kubkubin o salakayin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buong lalawigan ng Sulu upang masugpo ang pamamayagpag ng bandidong Abu Sayyaf.

Ito ang banta ni Pangulong Duterte sa bandidong grupo matapos na pugutan nito ng ulo ang isa sa kanilang bihag na Pilipino kamakailan at ang tangkang pananalakay ng mga ito sa lalawigan ng Bohol noong nakaraang noong April 10.

“I will invade Jolo. Invasion na lang talaga. But maraming madisgrasya niyan, civilian, bata. Pag naipit na ang bayan I will order an invasion Jolo. Lahat ng Army, military pupunta doon, bakbakan na talaga. Iyan ang gusto nila ibibigay ko sa kanila,” banta ni Pangulong Duterte.

Sa kanyang pagtungo sa Bohol upang sumalang sa briefing Miyerkules ng hapon, sinabi rin ng pangulo, na kanya na ring ikinukunsidera na payagan na ang mga sibilyan na mag-bitbit ng armas upang makatulong ng gobyerno sa paglaban sa kriminalidad at terorismo.

Kung siya aniya ang masusunod, mas nanaisin pa niyang makitang patay ang mga kriminal sa halip na buhay.

Una nang nag-alok ng isang milyong piso si Pangulong Duterte sa bawat miyembro ng Abu Sayyaf na nananatiling at-large sa lalawigan ng Bohol.

Ang mga ito ang kasama ng grupo ni Abu Rami na nakaengkwentro ng mga otoridad sa bayan ng Inabanga, Bohol noong nakaraang Abril a diyes, na nakatakas sa gitna ng bakbakan.

Read more...