Tinukoy ang nasabing dalawang sundalong bihag na sina Sgt. Solaiman Calocop, at Pfc. Samuel Garay, na pinakawalan sa isang bahagi ng Davao del Sur.
Sinundo sila ng Crisis Management Committee na pinamumunuan nina Mayor Amirh Musali at Vice Mayor Edwin Bermudez ng bayan ng Columbio sa Sultan Kudarat.
Ayon kay Sultan Kudarat Provincial Police Ofice director Senior Supt. Raul Supiter, sa ngayon ay nasa Columbio na ang dalawang sundalo.
Nakasama na aniya ng mga ito ang kani-kanilang mga pamilya.
Bagaman maganda naman ang lagay ng kalusugan ng mga ito, sasailalim pa rin sina Calocop at Garay sa debriefing.
Pagkatapos nito ay ipapaubaya na sila sa kanilang batalyon bago payagang tuluyang makauwi.
Nagpasalamat naman ang mga pamilya ng mga sundalo sa NPA dahil hindi sinaktan ng mga ito ang kanilang mga kaanak na nabihag.
Pinasalamatan rin nila si Gov. Pax Mangudadatu na pilit nakipagnegosasyon para sa pagpapalaya ng mga sundalo.