Naglabas ng P1 Million pabuya si pangulong Rodrigo Duterte para sa sinumang makapagtuturo sa isa o pitong miyembro ng tinutugis na Abu Sayyaf Group na umatake sa Ibanga, Bohol.
Sa pag-iinspeksyon ng pangulo sa Bohol kaninang hapon para sa ASEAN security briefing ay sinabi ng chief executive na aarmasan din niya ang sibilyan para patayin ang mga ASG members.
Dead or alive ang utos ng pangulo.
Mas gusto ni Duterte na patay kaysa buhay na mahuli ang mga miyembro ng Abu Sayyaf dahil obligado pa siyang magpakain sa mga ito kapag dinala sa mga kulungan.
Sinabi pa ng pangulo na hindi dapat na mabahala ang publiko kapag nakapatay sila ng mga miyembro ng Abu Sayyaf.
Kinakailangan lang ayon sa pangulo na pumunta lamang sa himpilan ng pulisya at ipagbigay alam na nakapatay siya sa ASG member at siya na raw ang bahala.
Hinikayat pa ng pangulo ang sibilyan na pumatay hindi lang ng mga miyembro ng bandidong grupo kundi maging mga durugista.