Pansamantalang isinara kaninang umaga sa daloy ng trapiko ang southbound ng Alabang viaduct makaraang tumagilid malapit dito ang isang electrical tower ng National Power Corporation (NPC).
Sinabi ni Tez Navarro, Public Information Officer ng Muntinlupa City na nasunog kaninang 8:48 ang umaga ang halos ay walumpung mga shanties sa 400 square meters na lote na inokopahan ng ilang mga informal settlers malapit sa Alabang Tollgate.
Dahil sa laki ng apoy ay inabot nito ang transmission tower ng NPC na naging dahilan para ito’y tumagilid at muntik nang sumayad sa ibabaw ng Alabang viaduct.
Para sa kaligtasan ng mga motorista ay kaagad itong isinara sa daloy ng trapiko na nagresulta sa mahabang pila ng mga sasakyan sa South Luzon Expressway (SLEX).
Pasado alas-nueve ng umaga ay naapula rin ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection ang sunog at 10:32am ay binuksan na rin sa daloy ng trapiko ang Alabang viaduct.
Wala namang naiulat na namatay o nasaktan sa naturang sunog habang inaalam pa ng mga arson investigators ang pinagmulan nito.