Tatlumpung porsiento ng Baguio City ang wala pa ring supply ng kuryente hanggang sa ngayon.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Baguio City Mayor Mauricio Domogan na maraming mga poste ng kuryente ang tumumba dahil sa malakas na hangin na hatid ng bagyong Ineng.
“Halos maghapon noong biyernes ay binayo kami ng malakas na ihip ng hangin”, ayon kay Domogan.
Pinayuhan din nya ang mga aakyat sa lungsod na iwasan ang Kennon Road dahil nanatili itong sarado sa lahat ng uri ng mga sasakyan dahil sa landslide habang nananatili namang bukas sa trapiko ang Naguilan at Marcos Road.
Sa gitna ng pananalasa ng bagyong Ineng sinabi ni Domogan na may ilan pa ring mga byehero ang nagpasya na ituloy ang kanilang pag-akyat sa lungsod.
Umaasa rin ang naturang opisyal na sa mga susunod na oras ay magsisimula nang bumuti ang lagay ng panahon sa kanilang lugar at sisimulan na rin nila ang paglilinis sa mga daan na pansamantala munang isinara dahil sa mga landslides. / Den Macaranas