Siyam patay sa pananalasa ng bagyong Ineng sa Northern Luzon

ineng benguet
inquirer file photo

Kinumpirma ni Benguet Governor  Nestor Fongwan na may tatlo katao pa ang naidagdag sa kanilang listahan ng mga namatay dahil sa paghagupit ng bagyo sa kanilang lalawigan.

Umaabot na sa pito katao ang kumpirmadong patay sa buong lalawigan ng Benguet base sa panayam ng Radyo Inquirer sa naturang opisyal.

Natabunan ng landslide sa Brgy. Cabiten sa Bayan ng Mankayan ang mga biktimang sina Glen Baldasan at Michael Lagasan habang bumubuhos ang malakas na pag-ulan.

Isang lalaki rin ang natabunan ng putik sa naganap na pag-guho sa kalapit na Brgy. Bulalacao sa nasabi ring Bayan pero hanggang ngayon ay hindi pa nakikilala ang naturang biktima.

Kanina ay kinumpirma ng Office of the Civil Defense (OCD) ang pagkamatay ng magkapatid na sina Eric Celo, 20-years-old at Markin Celo, dalawampu’t isang taong gulang nang maguhuan sila ng bahagi ng bundok sa kanilang tinutuluyang temporary shelter sa Brgy. Gambang sa Bayan ng Bakun.

Ayon sa ulat ng OCD may natanggap din silang report na may isang motorcycle rider ang nabagsakan ng puno sa Brgy. Badio sa Bayan ng Pinili at meron din silang impormasyon na may nakita ring isang bangkay ng lalaki sa nasabi ring lugar.

Sa ulat naman na pumasok sa Central Monitoring Center ng National Disaster Risks Reduction and Manangement Council (NDRRMC), isa pang bangkay ng lalaki ang nakita sa landslide area sa Bayan ng Sabangan pero hindi pa nakukuha ang identity ng nasabing biktima.

Idinagdag din ni Fongwang na posible pang madagdagan ang bilang ng mga casualties sa lugar dahil nagpapatuloy pa rin ang pag-pasok ng mga reports sa kanyang tanggapan hingil sa lawak ng pinsala ng bagyo sa buong lalawigan. / Jimmy Tamayo, Den Macaranas

Read more...