Hinahanap na ngayon ng Philippine National Police ang operator ng Leomarick minibus na nahulog sa bangin sa Carranglan, Nueva Ecija, hapon ng Martes.
Ayon kay Nueva Ecija Police Provincial Dir. Senior Supt. Antonio Yarra, sa imbestigasyon ay lumalabas na naka rehistro sa isang Juan Leonardo Patulot ang Leomarick Transport minibus pero napag-alaman na ang bus operator nito ay si Ricky Patulot na may opisina sa Agoo, La Union.
Ayon kay Sr. Supt. Yarra, ang Leomarick Transport ay inter-regional ang ruta na pwedeng bumiyahe mula Region 1, 2 at 3.
Aminado si Yarra na hirap ang mga otoridad na makilala ang karamihan sa mga bangkay at ang mga kamag-anak dahil paisa-isa pa lamang ang pumupunta sa punerarya.
Isa sa dalawang bus ng Leomarick Transport ang nahulog sa bangin hapon ng Martes na ikinasawi ng 31 indibiduwal habang 46 ang sugatan, 30 dito ay ginagamot sa Veterans Regional Hospital habang naman 16 sa Nueva Vizcaya Provincial Hospital.