Pagbuo sa National Transport Safety Board, pinamamadali dahil sa trahedya sa Nueva Ecija

Grace-Poe-1Nais ni Sen. Grace poe na mapabilis na ang pagbuo sa isang National Transport Safety Board o NSTB kasunod ng panibagong trahedya sa kalsada sa Nueva Ecija.

Ayon kay Poe, kapag may NSTB ay agad na makakapagsagawa ng independiyenteng imbestigasyon sa mga aksidente na kinasasangkutan ng mga pampublikong transportasyon.

Dagdag pa nito, sa pagiimbestiga ay maaaring makabuo pa ng mga mas malinaw at konkretong polisiya para maiwasan na ang mga kapamahakan sa daan.

Kasabay nito ang panawagan ng senadora sa awtoridad lalo na sa kumpaniya ng Leomarick Bus na agad asikasuhin ang mga biktima at pamilya ng mga nasawing pasahero.

Sinabi pa ni Poe na dapat ay papanagutin ang mga may kasalanan sa panibagong malagim na aksidente para mabigyan ng hustisya ang mga biktima.

Una nang inihirit ni Poe ang matinding pangangailangan ng isang NSTB sa bansa sa pagdinig sa Senado ng pinamumunuan niyang Committee on Public Services sa trahedyang sinapit ng 13 estudyante ng Bestlink Colleges nang maaksidente ang sinasakyan nilang tourist bus sa kanilang educational tour sa lalawigan ng Rizal.

Read more...