La Mesa Dam malapit ng umabot sa spilling level, tubig sa mga Dam sa Luzon mataas na rin

la-mesa-dam
Inquirer file photo

Pinayuhan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga nakatira malapit sa La Mesa Dam at Tullahan River na manatiling naka-alerto dahil sa posibilidad na maabot na nito ang spilling level.

Sa kasalukuyan ay nasa 79.27 meters na ang elevation ng La Mesa Dam at kung magpapatuloy ang pag-ulan ay posibleng maabot nito sa maghapon ang spilling level na 80.15 meters.

Sinabi NDRRMC Executive Dir. Alexander Pama na binabantayan din nila ang Ipo Dam sa Bulacan dahil umakyat na ang water elevation doon sa 100.16 meters at malapit nang umabot sa critical level na 101 meters.

Kaninang alas sais ng umaga ay umakyat na ang water elevation sa Ambuklao Dam sa Benguet sa 749.02 Meters at ilang metro na lang ay maaabot na nito ang 752 meters na critical level.

Malakas pa rin ang pag-ulan sa naturang lalawigan kaya nakatutok din ang NDRRMC sa Binga Dam kung saan ang antas ng tubig ay umabot na sa 573.02 meters at malapit nang umabot sa full capacity nito na 575 meters.

Sa Isabela, mataas na rin ang tubig sa Magat Dam sa antas na 178.39 meters pero malayo pa ito sa critical level na 190 meters.

Ang San Roque Dam sa Pangasinan ay nakapagtala naman ng 277.56 meters na antas base sa monitoring NDRRMC at malapit na rin nitong maabot ang 280 meters na critical level.

Ang Angat Dam sa Bulacan ay mayroon nang 180.99 meters na antas ng tubig pero malayo pang maabot ang maximum capacity na 210 meters. / Den Macaranas

 

Read more...