Ayon kay Brig. Gen. Cirilito Sobejana pinuno ng Joint Task Force Sulu na pinatay na ng bandidong grupo ang kanilang bihag na si Noel Besconde, kapitan ng FB Ramon 2.
Ayon kay Sobejana, nakatanggap sila ng impormasyon na isinagawa ni Abu Sayyaf sub-leader Hatib Hajan Sawadjaan ang pamumugot sa ulo ng biktima noong Abril 13, dakong alas 2:30 ng hapon.
Gayunman, hindi nila agad inilabas ang impormasyon hangga’t hindi pa nila nakukumpirma ang balita.
Si Besconde ay dinukot ng Abu Sayyaf noong Disyembre sa Celebes Sea malapit sa boundary ng Pilipinas, Malaysia at Indonesia.
Bukod kay Besconde, kasama ring dinukot ng mga ito ang tatlo pang crew ng barkong pangisda.
Una nang humihingi ng tatlong milyong piso ang mga bandido kapalit ng pagpapalaya sa biktima.
Sa ngayon, patuloy ang paghahanap sa labi ng biktima sa bahagi ng Patikul, Sulu kung saan hinihinalang isinagawa ang krimen.