Cordillera Administrative Region walang kuryente dahil sa bagyong Ineng

Baguio City Art Tibaldo 2
Baguio City / Photo Contributed by Art Tibaldo

Halos buong Cordillera Administrative Region (CAR) ay walang suplay ng kuryente dahil sa patuloy na pananalasa doon ng bagyong Ineng.

Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni, Office of the Civil Defense – CAR Director Aelx Uy na halos buong rehiyon ang nawalan ng kuryente dahil maraming kawad ng kuryente ang nabagsakan ng mga nagtumbahang puno.

Sinabi ni Uy na malakas ang buhos ng ulan at hangin na naranasan sa rehiyon. “Ang sitwasyon po ng power outage natin, halos Region-wide po ito ngayon, marami pong natumbang puno at natumbang mga poste ng kuryente,” ayon kay Uy.

Dagdag pa ni Uy, maraming kasalda sa rehiyon ang hindi ngayon madaanan dahil sa landslides kasama na ang Kennon Road.

Dahil dito pinayuhan ni Uy ang publiko na nagbabalak na magtungo sa Baguio City ay ipagpaliban na lamang muna o di kaya ay gamitin muna ang Marcos Highway o Naguillan Road.

Sinabi ni Uy na simula pa lamang Huwebes ng gabi ay inabisuhan na nila ang mga lokal na pamahalaan sa rehiyon na magpatupad na ng preemptive evacuation.

Pero mula kagabi hanggang ngayong maghapon ay 71 pamilya pa lamang ang nailikas mula sa kani-kanilang mga tahanan dahil sa banta ng landslide at flashflood./ Jan Escosio, Ricky Brozas

Read more...