(updated) Tatlo na ang naitalang nasawi sa Cordillera Administrative Region (CAR) dahil sa naganap na landslide bunsod ng malakas na buhos ng ulan.
Ayon kay Office of Civil Defense Cordillera Administrative Region (OCD-CAR) Director Alex Uy, isa ang namatay sa Mountain Province at dalawa sa Benguet
Naganap ang landslide Biyernes ng umaga sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan dahil sa bagyong Ineng.
Nasawi ang biktimang si Yckir Mayon, 10 taong gulang nang matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang bahay sa Sitio Tala, Brgy Namantec sa Sabangan, Mt. Province.
Kasama ng biktima sa loob ng bahay ang kaniyang ina at isa pang kapatid pero ang dalawa ay nakaligtas.
Ayon kay Uy, sa Benguet naman, patay ang makapatid na Eric Celo – 20 taong gulang at Markin celo – dalawampu’t isang taong gulang nang matabunan ng gumuhong lupa ang temporary shelter na kanilang tinutuluyan sa Barangay Gambang sa bayan ng bakun.
Dagdag pa ni Uy marami na ang inilkas sa mga lugar na apektado ng bagyo.
Samantala, ayon kay Uy, sa Baguio City sarado pa rin ang Kennon Road kaya tanging Marcos Hiway lamang ang nagagamit patungo sa lungsod./ Jen Cruz – Pastrana Jan Escosio