Phivolcs, pinayuhan ang mga taga-Lanao del Sur na huwag mabahala kasunod ng magnitude 6.0 na lindol

 

Umapela ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology o Phivolcs sa mga residente sa Mindanao, partikular ang mga taga-Wao, Lanao del Sur at kalapit na mga lugar na huwag mabahala matapos ang naitalang magnitude 6.0 na lindol doon kaninang umaga.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Phivolcs Chief at DOST Undersecretary Renato Solidum na maaaring nagulat ang mga mamamayan na apektado ng lindol dahil bihirang makapagtala ng malakas na pagyanig doon.

Pero ayon kay Solidum, noong mga nakalipas na taon ay mayroong maliliit na earthquakes na nangyari sa Lanao del Sur.

Gayunman, pinakamainam pa rin na maging handa at palaging makinig sa payo ng mga otoridad.

Ani Solidum, dahil sa magnitude 6.0 na lindol sa Wao, Lanao del Sur ay asahan na ang aftershocks.

Wala rin aniyang banta ng tsunami, dahil sa lupa naitala ang lindol.

Sa ngayon, wala pa umanong nairereport na pinsala sa mga ari-arian, subalit sinabi ni Solidum na posibleng maapektuhan ang mga bahay na lumang-luma na o kaya nama’y substandard ang pagkakagawa.

Read more...