Australian embassy, naglabas na rin ng travel warning sa Central Visayas

Australian advisoryMatapos maglabas ang embahada ng Estados Unidos ng travel warning sa Central Visayas, sunod namang naglabas ng abiso ang Australian Embassy sa Maynila.

Base sa bulletin ng Australian Embassy, nakarating din sa kanila ang “unsubstantiated yet credible” na impormasyon tungkol sa pagtatangka umano ng mga teroristang grupo na magsagawa ng kidnapping sa Central Visayas.

Partikular din nilang binanggit ang mga lalawigan ng Cebu at Bohol sa nasabing advisory.

Payo ng embahada sa mga Australian citizens na narito sa bansa o mga nagbabalak na bumisita sa bansa, paigtingin ang pagiging mapagmatyag at ang kanilang mga personal na security plans.

Nag-post din sa Twitter si Ambassador Amanda Gorely, at sinabi sa kanilang mga mamamayan na basahin agad ang kanilang advisory.

Naglabas din ang embahada ng isang color-coded na mapa na nagpapakita kung saan ang mga lugar na delikadong puntahan, at kung alin naman ang mga lugar na dapat pag-isipang mabuti kung kailangan ba talagang puntahan.

Payo pa ng embahada sa mga Australians, i-reconsider ang pagbiyahe naman sa Eastern Mindanao, habang pinagbawalan naman nila ang mga ito sa pagpunta sa central at Western Mindanao dahil sa matinding banta ng terorismo, karahasan at kidnapping.

Read more...