Isasalang sa psychological therapy ang mga residente ng bayan ng Mabini at Tingloy sa Batangas na nakaranas ng pinakamatinding epekto ng mga nakalipas na lindol noong nakaraang Linggo.
Ayon kay Georgina Garcia,, tagapagsalita ng Disaster Risk Reduction and Management Council sa Calabarzon, marami sa mga reisdente ang nakakaranas pa rin ng trauma hanggang sa kasalukuyan dahil sa mga pagyanig noong Martes at Sabado.
Dahil sa takot, marami sa mga ito ang ayaw pa ring bumalik at matulog sa kanilang mga sariling tahanan.
Sa kasalukuyan, nasa 6,593 residente ng Mabini ang namamalagi sa mga evacuation site o di kaya ay pansamantalang nakikitira sa kanilang mga kamag-anak.
Kahapon, idineklara na ang state of calamity sa bayan ng Mabini dahil sa pinsalang idinulot ng dalawang malakas na lindol noong Sabado.
Sa bayan naman ng Tingloy, nasa 7,394 katao ang nanunuluyan sa iba’t ibang evacuation centers.
Nasa higit 3,000 evacuees naman ang apektado ng lindol sa mga bayan ng San Pascual, San Luis at Agoncillo.