Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Executive Sec. Salvador Medialdea bilang “caretaker” o pansamantalang tagapangalaga ng bansa habang wala siya sa Pilipinas para sa kaniyang pagbisita sa Middle East.
Inanunsyo kahapon ng Malacañang ang pagtatalaga kay Medialdea.
Kahapon ay umalis na si Pangulong Rodrigo Duterte mula sa Davao patungong Riyadh, Saudi Arabia para sa unang bahagi ng kaniyang pagbisita sa Middle East.
Kasama ng pangulo sa kaniyang biyahe ang ilang mga kalihim, kabilang sina Acting Foreign Affairs Sec. Enrique Manalo, Labor Sec. Silvestre Bello III, Health Sec. Paulyn Ubial, Transportation Sec. Arthur Tugade, Trade Sec. Ramon Lopez.
Pagdating niya doon mamaya, sasalubungin siya ni Saudi King Salman.
Haharap din ang pangulo sa mga manggagawang Pilipino sa Saudi.
Pagkatapos pumunta sa Riyadh, sunod namang pupuntahan ni Duterte ang Manama, Bahrain at Doha sa Qatar.