Sa mga ganitong panahon kasi kadalasang umaatake ang mga miyembro ng “Daga-Daga Gang” o “Acetylene Gang.”
Modus ng mga ganitong gangs ang lumipat malapit sa mga bangko o sanglaan para makapagsimulang maghukay sa ilalim ng lupa, at gumawa ng lagusan patungo sa vaults ng kanilang target upang makapagnakaw ng pera.
Ayon kay PNP spokesperson Dionardo Carlos, paboritong target ng mga grupong ito ang mga bangko, sanglaan at remittance centers.
Kaya naman payo ng pulisya sa mga empleyado at may-ari ng mga ganitong establisyimento, maging mapagmatyag sa mga nasa paligid simula pa lamang ngayon.
Mas maigi rin aniyang alamin kung may mga bagong-lipat ba malapit sa lugar, kung dayo ba ang mga ito, at silipin rin dapat ang mga drainage systems.
Dito kasi kadalasang dumadaan ang mga miyembro ng mga ganitong gang.
Sinasamantala nila ang long weekend at mga bakasyon kung kailan wala ang karamihan ng mga tao, at doon sisimulan ang paghuhukay.
Tiniyak naman ni Carlos na may mga pulis na magpapatrulya para silipin kung nanakawan ba ang mga ganitong establisyimento.
Partikular aniya nila itong paiigtingin mula Miyerkules Santo hanggang Linggo ng Pagkabuhay.
Ipapakalat din aniya ang mga pulis sa mga barangay at subdivisions para magbantay din sa mga bahay, lalo’t marami nang umaalis para magbakasyon.