Number coding, suspendido sa Miyerkules Santo; ilang kalsada sa Makati, isasara

Inquirer file photo

Inanunsyo na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na aalisin nila ang number coding scheme simula sa Miyerkules, April 12, para sa paggunita ng Semana Santa.

Magpapatuloy ang suspensyon ng number coding hanggang sa Biyernes Santo, April 14.

Kasabay nito ay magpapatupad ng mga alternatibong ruta ang MMDA, dahil isasara ang ilang kalsada sa Makati City para sa ilang aktibidad na gagawin ngayong Holy Week.

Isasara ang mga sumusunod na kalsda mula alas-5:00 ng hapon ng Miyerkules Santo at Biyernes Santo:

– J.P. Rizal Avenue/Estrella Street
– Kalayaan Avenue/Reposo Street
– Valdez/Makati Avenue.

Isasara rin ang mga nabanggit na kalsada sa Sabado de Gloria, April 15 mula alas-11:00 ng gabi, at sa Linggo ng Pagkabuhay, mula alas-2:00 ng hapon.

Pinayuhan ng MMDA ang mga motorista mula sa Guadalupe na papuntang Manila na kumaliwa sa Estrella Street patungong EDSA, at kumanan sa Gil Puyat Avenue.

Para naman sa mga manggagaling sa Maynila at papunta sa Guadalupe, pinapayuhan silang kumanan sa Reposo Street, kaliwa sa Gil Puyat, at diretso sa EDSA.

Maari din silang kumanan sa Valdez Street, kanan ulit sa Makati Avenue, at kaliwa sa Gil Puyat at saka dumiretso patungong EDSA.

Read more...