US troops mananatili sa South Korea sa gitna ng gulo sa Korean Peninsula

 

Nanindigan ang US government na mananatili ang kanilang 28,500 troops sa South Korea sa gitna ng nararanasan ngayong tensyon sa Korean Peninsula.

Ang pahayag ay ginawa ng Pentagon kasunod ng 48-hour ultimatum na inilabas ng North Korea para itigil ng South Korea ang kanilang black propaganda broadcast malapit sa Dimilitarized Zone (DMZ) sa pagitan ng dalawang bansa.

Sinabi ng US Government na inabisuhan na nila ang kanilang mga tropa na manatili sa mga ligtas na lugar makaraang magkanyunan ang South at North Korea kahapon.

Sa ulat ng KCNA news agency, iniutos na ni North Korean leader Kim Jong Un na ilagay sa “full state of war” ang kanilang puwersa biglang paghahanda sa pagtatapos ng dalawang araw na ultimatum bukas ng tanghali.

Hindi nagustuhan ng North Korea ang black propaganda broadcast ng South Korea kaya nila pinaputukan ng missile ang mga ito.

Gumanti naman ang mga sundalo ng South Korea. Wala namang nai-ulat na namatay o sugatan sa magkabilang panig.

Nauna na ring sinabi ng North Korea na tutol sila sa on-going na military war exercise sa pagitan ng Seoul at Washington dahil magdudulot lang ito ng tensyon sa Korean Peninsula pero hindi pinakinggan ng South Korea ang naturang babala.

Dahil sa naturang gusot, pansamantala munang sarado sa publiko ang DMZ na siyang nagsisilbing boundary sa pagitan ng South at North Korea. / Den Macaranas

Read more...