Mahigit 300 na residente sa Tingloy Island, Batangas napilitan lumikas dahil sa malalakas na lindol

TINGLOYAabot sa tatlongdaang residente ang napilitan na lumikas sa kani-kanilang tirahan sa Barangay Gamao sa Tingloy Island matapos ang serye ng lindol na tumama sa lalawigan ng Batangas, Sabado ng hapon.

Ayon sa ulat, kabuuang 314 na indibiduwal ang pansamantalang nananatili sa Gamao Elementary School sa pangambang magkakaroon pa ng mga afterschock.

Sinabi naman ng Tingloy police na aabot sa sampung bahay ang nasira habang isandaang iba pa ang bahagyang napinsala dahil sa lindol.

Nadiskubre din aniya ang mga bitak sa isang tulay sa isla.

Sa Barangay Marikaban, hindi bababa sa tatlumpung bahay ang napinsala.

Pero sa kabila nito, passable naman sa lahat ng sasakyan at iba pang kalsada sa Tingloy at bumalik na sa normal ang operasyon ng mga bangka na may biyahe patungo sa isla mula sa Mabini Port.

Samantala, nagdeploy ang Philippine Coast Guard Mabini sub-station ng mga tauhan sa Tingloy Island para i-assess ang pinsala na idinulot ng lindol sa isla.

Naging epicenter ng magnitude 5.5 na lindol na tumama sa Batangas ang Tingloy Island.

Read more...