Pansamantalang isinara ang ilang simbahan, ospital at resorts sa Batangas, matapos tumama ang malakas na lindol doon.
Kabilang sa mga sarado muna ay ang Basillica ng Immaculate Concepcion sa Batangas City.
Ito’y matapos magtamo ng mga pinsala ang loob at labas ng simbahan.
Nagkaroon ng mga bitak ang mga pader sa gilid at mga poste, bumagsak din ang kisame ng ilang bahagi ng simbahan, at lumaylay ang ilang mga kable ng kuryente.
Dahil dito, kinordon ang simbahan at pinagbawalan ang publiko na makalapit dahil sa panganib na mabagsakan ng debris.
At dahil natapat na Palm Sunday, ginanap na lamang sa plaza ng lungsod ang misa ngayong Linggo.
Sarado at tigil-operasyon na rin ang Mabini General Hospital, na matatagpuan sa Mabini, Batangas.
Napilitang ilikas ang mga pasyente at inilipat sa mga pirbadong ospital sa Bauan at Batangas City.
Bumagsak naman ang mga pader at kisame ng isang sikat na resort sa Brgy. Anilao, Mabini, Batangas, dahil pa rin sa malakas na lindol kahapon.
Hindi pa ini-aalis ng pamunuan ng Santorini-inspired resort na Camp Netanya ang guho na bumagsak pa sa tatlong nakaparadang sasakyan.
Tigil din muna ang operasyon ng naturang resort sa mga oras na ito.
Ayaw naman magsalita ng management ng Camp Netanya kung may nasaktan sa nasabing pagbagsak ng pader.