Fresh college at vocational grads, dapat libre sa pre-employment fees ayon kay Sen. Sonny Angara

Sonny AngaraIsinusulong ni Sen. Sonny Angara ang pagpasa ng bill of rights para sa mga bagong graduates sa kolehiyo at technical-vocational courses.

Nais ni Angara sa kanyang Senate Bill 313 na mabigyan ng mga insentibo at ibang benepisyo ang mga bagong graduates sa paghahanap nila ng trabaho.

Aniya dapat malibre muna sa lahat ng bayarin ang mga ito sa pagkuha nila ng birth certificate, passport, tax identification number at mga clearances gaya ng mula sa barangay at NBI.

Dagdag pa ng senador layon din ng kanyang panukala na mabigyan ng exemption ang new graduates na pipiliin na magsimula ng sariling negosyo sa mga bayarin sa pagkuha ng business permits at maari din silang mabigyan ng suportang-teknikal at pinansiyal.

Bukod pa dito, sa loob ng isang taon simula nang kanilang graduation ay hindi rin sila dapat singilin ng travel tax, airport terminal fees at bibigyan pa rin sila ng 20 porsiyentong diskuwento sa pasahe sa mga pampublikong transportasyon.

Dagdag pa ni Angara, gagawin din silang sponsored members ng SSS, Philhealth at PAG-IBIG at exempted sa pagbabayad ng buwanang kontribusyon sa tatlong ahensiya sa loob din ng isang taon mula ng kanilang graduation.

Read more...