Mag-ingat sa ‘6-S’ (six-S’) o anim na sakit na madalas kumakalat tuwing summer season.
Kabilang dito ang sore eyes, sipon at ubo, sakit sa balat, sakmal ng aso, stroke at sakit ng tiyan.
Paalala rin ni Health Sec. Paulyn Jean Ubial sa mga magbi-Visita Iglesia at mamamasyal, magbaon ng malinis na tubig, pagkain at payong para makaiwas sa mga karaniwang sakit ngayong tag-init.
Magdala ng first aid kit, gamot at kung may mga sakit, huwag kalimutang dalhin ang kanilang maintenance medicine.
Payo pa ng DOH, kung malayo at matao ang lugar na pupuntahan, huwag nang isama pa ang mga maliliit na bata at mga sanggol.
Para naman sa mga may high blood pressure, mas makabubuti na manatili na lang sa kanilang bahay at umiwas sa pagbibilad sa matinding init ng araw.
Para naman sa mga magpi-penitensya, huwag kalimutang i-sterilize ang mga gagamiting pako at mga matatalas na bagay na ginagamit sa flagellation para maiwasan ang tetanus.
Handa naman umano ang mga ospital sa ilalim ng DOH na tugunan ang pangangailangan ng mga magkakasakit ngayong tag-init.