Sa kabila ng mga pag-protesta ng mga militanteng grupo, tinanggap na ni Senior Supt. Alexander Tagum ang pagtalaga sa kaniya bilang bagong hepe ng Davao City police.
Si Tagum ang hepe noon ng pulisya ng Kidapawan City sa North Cotabato, kung saan dalawa ang nasawi habang dose-dosena ang nasugatan sa marahas na dispersal ng mga nag-protestang magsasaka na humihingi ng ayuda sa bigas noong nakaraang taon.
Ayon kay Karapatan spokesperson Jay Apiag, ang pagkakatalaga kay Tagum ay isang sumasalamin sa pananaig ng kultura ng impunity sa pamahalaan.
Ayon naman kay Tagum, igagalang niya ang pananaw ng mga grupo, at bibigyan pa nila ng seguridad ang mga nais mag-protesta laban sa kaniyang appointment.
Samantala, iginiit naman ni Mayor Sara Duterte-Carpio na pinag-aralan niyang maigi ang pag-talaga kay Tagum.
Tiniyak rin niyang isa sa kaniyang mga ikinunsidera ang naging insidente sa Kidapawan, at naniniwala siyang hindi hahayaan ni Tagum na maulit ito dahil alam na niya kung ano ang gagawin sa ganoong sitwasyon.