Ayon kay Gloria Arellano, chairperson ng grupo, kanilang hinihiling kay Pangulong Rodrigo Duterte na kung maaari ay payagan silang tirahan ang mga housing project na hindi pa rin napapakinabangan sa naturang lalawigan.
Sa pagtaya ng grupo, may 3,000 bahay sa bayan ng Bocaue at 877 sa bayan ng Bustos, Bulacan ang wala pa ring nakatira.
Ang mga naturang bahay ay nakalaan para sa mga pulis, sundalo at mga bumbero.
Sa ngayon, binabantayan na ng mga lokal na opisyal at mga pulis ang Bocaue Heights at Bustos Heights housing projects sa pangambang pasukin rin ito ng mga miyembro ng Kadamay.
Matatandaang noong Martes, sinabi ng pangulo sa mga sundalo na bitawan na lamang at ipaubaya na sa mga Kadamay members ang mga inokupa nitong mga bahay kapalit ng mas magagandang tahanan na itatayo para sa mga ito sa Disyembre.
Dahil dito, nais ng grupo na personal na makausap si Pangulong Duterte upang malinawan ang nilalaman ng direktiba nito na hindi na paalisin ang nasa 5,000 mga residenteng umokupa sa mga housing project sa Pandi.
Dahil aniya sa direktibang ito rin ng pangulo, umaasa silang lahat ng mga housing project na nakalaan para sa mga sundalo at pulis ay tuluyan nang ipapamahagi sa mga mahihirap.
Sa kasalukuyan aniya, nasa 12,000 kasapi ng kadamay sa Bulacan ang wala pa ring sariling tahanan.